COVID-19 infections, mapapababa kapag inilipat ang mga nasa home quarantine sa isolation facilities – NTF

Naniniwala ang National Task Force Against COVID-19 na isa sa mga dahilan ng pagpatag o flattening of the curve ng COVID-19 cases sa bansa ang pagpapahinto sa home quarantine.

Ayon kay NTF Chief Implementer Carlito Galvez Jr., aabot sa 24,538 COVID-positive patients ang idinala sa 49 mega quarantine centers at hotels sa ilalim ng Oplan Kalinga mula nitong September 14.

Ang Oplan Kalinga ay isang government intervention program na layong ilagay ang infected individuals sa isolation facilities sa halip na panatilihin sa kanilang mga bahay.


Sinabi ni Galvez na napigilan nito ang paglobo ng COVID-19 cases ng tatlo hanggang apat na beses o katumbas ng 73,614 hanggang 98,152 potential new cases.

Sa 80,000 active cases noong August 14 ay bumaba sa 53,000 ngayong buwan.

Sa Metro Manila, bumaba ang active cases sa 35% matapos ipatupad ang Oplan Kalinga nitong Hulyo.

Sa Cebu City naman, ang active cases ay bumaba nang ilipat ang 1,900 positive patients sa isolation facilities.

Una nang nilinaw ni Department of Health (DOH) na maaari pa ring isagawa ang home quarantine basta mahigpit na nasusunod ang patakaran nito.

Facebook Comments