COVID-19 mega quarantine sites, halos mapupuno na – DOH

Umabot na sa ‘danger zone’ ang occupancy rate ng Mega Quarantine Facilities ng pamahalaan para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, itinuturing nasa ‘danger zone” ang mga pasilidad kapag umabot sa 70% hanggang 100% ang utilization, “warning zone” naman kapag nasa 30% hanggang 70%.

Nasa “safe zone” ang isang pasilidad kapag ang utilization rate nito ay nasa 0 hanggang 30%.


Ang mga sumusunod na mega temporary treatment and monitoring facilities na nasa danger zone na ay ang Ultra Stadium, Quezon Institute, Rizal Memorial Coliseum, Philippine Arena, at ang ASEAN Convention Center.

Dagdag pa ni Vergeire, ang occupancy rate ng temporary treatment and monitoring facilities sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Visayas, Northern Mindanao, at Soccsksargen ay nasa “warning zone.”

Pagtitiyak ni Vergeire na patuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga health facilities.

Sa huling datos ng DOH, sumampa na sa 85,486 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 26,996 ang gumaling, at 1,962 ang namatay.

 

Facebook Comments