Dagdag na pasakit ngayon sa libo-libong residente ng Batangas na lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal ang COVID-19.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, nakipag-coordinate na sila sa Department of Health (DOH) para magpadala ng RT-PCR test kits sa Batangas para na rin sa kaligtasan ng mga bakwit na nananatili sa temporary shelters.
Hiniling din ng NDRRMC sa DOH, Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction and Management Office (RDRRMO-4A) at iba pang concerned government agencies na magbigay ng karagdagang N95 masks at iba pang personal protective equipment (PPEs) sets, at gamot.
Karamihan sa mga evacuees ay nananatili sa 12 evacuation centers sa lalawigan.
Ang mga apektadong lugar ay ang Poblacion, at Sinturisan sa San Nicolas; Gulod, Buso Buso, Bugaan West, at Bugaan East sa Laurel; Subic Ilaya, Banyaga, at Bilibinwang sa Agoncillo; Apacay, Taal; Luyos at Boot sa Tanauan City; at San Sebastian, Balete.
Pagtitiyak ng NDRRMC na nasusunod ang public health standards sa mga evacuation centers.
Ang DOH ay plano ring magsagawa ng mass vaccination sa mga bakwit laban sa COVID-19.
Ang mga evacuee ay papayagang bumalik sa kanilang mga bahay kapag ibinaba ng PHIVOLCS sa Alert Level 2 ang sitwasyon sa Bulkang Taal.