Nagpaalala si ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na hindi pwedeng gamitin ng administrasyong Duterte ang COVID-19 pandemic para pangatwiranan ang hindi pag-alis ng buwis sa mga produktong petrolyo at langis.
Ayon kay Castro, hindi aniya maaaring ikatwiran na may pandemya at gagamitin sa pantugon laban sa COVID-19 ang makokolektang buwis dahil wala namang sapat na ayuda na natatanggap ang mga Pilipino.
Bukod dito, kulang din sa pasilidad pangkalusugan at kapos ang sahod at benepisyo ng mga medical frontliner na siyang dapat pinopondohan ng mga nakolektang buwis ng pamahalaan.
Punto pa ng kongresista, hindi pwedeng palusot ang pandemya upang hindi tanggalin ang Value Added Tax (VAT) sa langis dahil napakaraming lumabas na kaso ng korapsyon sa pamahalaan gamit ang pondo na para sana sa COVID-19 response.
Naniniwala naman si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na sinasadya ng Duterte administration ang dagdag na pagpapahirap sa mga tao dahil walang ginagawa ang pamahalaan para sana’y maibsan ang pasanin sa mataas na presyo ng langis.
Sa halip na gawing prayoridad ang lumalalang problema na araw-araw kinakaharap ng mga Pilipino, mas inuuna pa umano ng pangulo ang kapangyarihan at pulitika.
Muling kinalampag ng mga mambabatas ang Kongreso na aksyunan na ang pag-aalis sa buwis ng langis, at ang pagbasura sa Oil Deregulation Law.