COVID-19 PANDEMIC, LIFTED NA; PHO, SANG-AYON SA DESISYON NGUNIT MAHIGPIT PA RING NAGPAALALA SA PUBLIKO

Matatandaan na nito lamang Sabado, ika-22 ng Hulyo, isinapubliko ang pag-aalis ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa State of Public Health Emergency sa buong bansa dahil sa COVID-19.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 297 na inaprubahan ng Pangulo noong Biyernes, nakasaad dito na inaalis na ang pagiging state of public health emergency sa bansa ngunit nakasaad sa proklamasyon ang lahat ng mga Emergency Use Authorization (EUA) na inilabas ng Food and Drug Administration (FDA) ay magtatagal na lang sa loob ng isang taon mula sa petsa na inalis ang State of Public Health Emergency nang sa ganoon ay maubos na ang natitira pang mga suplay ng bakuna kontra COVID-19.
Inatasan din ni Marcos ang lahat ng ahensya na tiyakin na isinasaalang-alang ng kanilang mga patakaran ang pag-aalis ng State of Public Health Emergency at amyendahan ang mga umiiral kung naaangkop.

Sa naging panayam naman ng IFM Dagupan kay Dr. Anna Maria Theresa De Guzman, PHO Health Officer, sinasang-ayunan ng kanilang tanggapan ang pahayag na ito.
Paliwanag ng opisyal, mataas na aniya kasi ang saklaw ng pagbabakuna sa COVID at mas kaunti na lamang ang naitatalang mga impeksyon sa sakit.
Ngunit mahigpit nitong paalala na sa publiko na huwag dapat kalimutan ang mga natutunan mula sa pandemyang ito tulad ng public health minimum requirements, paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face masks kung may sakit lalong-lalo na sa mga immunocompromised at matatanda.
Paalala din ng opisyal na magpabakuna at kumuha na ng COVID-19 Boosters upang mapanatili ang proteksyon sa sakit. |ifmnews
Facebook Comments