COVID-19, pang-apat sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay sa Pilipinas – Philippine Statistics Authority

Pumang-apat ang COVID-19 sa listahan ng mga pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga Pilipino mula Enero hanggang Setyembre 2021.

Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), noong 2020 ay pang-16 lamang sa listahan ang COVID-19.

Sa unang siyam na buwan ng 2021, 34,361 ang naitalang nasawi sa COVID o 7.0 percent ng kabuuang bilang ng mga namatay na Pinoy.


Bukod dito, pang-walo sa dahilan ng kamatayan ang ibang mga sakit na may koneksyon sa pagkakaroon ng COVID.

Nanguna naman sa dahilan ng kamatayan ng mga Pinoy para sa 2021 ang coronary heart disease na may 91,152 deaths; cerebrovascular disease na may 49,063 deaths at pangatlo ang neoplasms o mga uri ng cancer na 42,633 ang nasawi.

Pang-lima naman sa listahan ang diabetes na may 32,057 na nasawi; sinundan ng hypertensive disease na may 26,600 deaths; pneumonia na may 22,158 deaths; COVID-related na kondisyon na may 16,397 deaths; iba pang sakit sa puso na may 16,186 deaths at chronic lower respiratory disease na 15,018 ang nasawi.

Nilinaw naman ng PSA na maaaring may kaibahan ang kanilang datos sa Department of Health (DOH) lalo’t hindi kasama sa kanilang bilang ang mga Pinoy na nasawi sa ibang bansa.

Facebook Comments