Namatay na ang isang COVID-19 Patient mula sa Tuao, Cagayan na nasa pangangangalaga ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) dahil sa kumplikasyong sakit.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical chief ng CVMC, ang kauna-unahang casualty sa COVID-19 na naitala sa probinsya ng Cagayan ay isang 49 years old na lalaki na galing sa Tondo, Manila at nagtatrabaho bilang isang drayber.
Umuwi aniya ito sa kanilang bayan noong July 5 para ipagamot ang problema sa kidney hanggang sa napabilang ito sa mga suspect patients matapos makaranas ng ubo at sipon sa kaparehong araw kaya’t agad na inadmit sa ospital.
Nabatid ng mga sumuring Doktor na mayroon din itong sakit na diabetes, Pneumonia at Tubercolosis hanggang sa nahirapan na itong makahinga noong July 10 at hindi na nakayanan ang malubhang sakit.
Giit ni Dr. Baggao, bagamat namatay ito dahil sa kumplikasyong sakit ay ikinukonsidera pa rin nila itong mortality case ng COVID-19 dahil dalawang beses nang nagpositibo sa swab test.
Sa kasalukuyan, dalawa (2) na ang naitalang death case ng naturang sakit sa Region 02 mula sa 169 na kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.