COVID-19 Patients mula Tuguegarao City, Pinakamarami sa mga Naka-admit sa CVMC

Cauayan City, Isabela- Ibinahagi ng pinuno ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na pinakamarami sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 ay mga galing sa Tuguegarao City.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical chief ng CVMC, kanyang sinabi na nasa 131 na lamang ang natitirang nananatili sa kanilang ospital na kung saan ang 112 rito ay mga kumpirmado habang ang labing siyam (19) ay mga suspected cases pa lamang.

Mula naman sa bilang ng confirmed cases, pinakamarami ang galing sa probinsya ng Cagayan na may 92 confirmed cases at pinakamari rito ay mga galing sa Tuguegarao na may 70 kaso.


Labing lima (15) naman ang galing sa Lalawigan ng Isabela habang apat (4) mula sa Tabuk City, Kalinga at isang (1) taga Pangasinan.

Ayon pa kay Dr. Baggao, malaki ang ibinaba ng bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na naka-admit sa nasabing ospital dahil nasa higit kumulang 30 porsiyento ang naibawas mula sa dating lampas 200 na mga pasyente.

Malaki naman ang pasasalamat ng medical chief kay OCD Regional Director Harold Cabreros dahil sa ipinagkaloob na limang (5) tent para sa karagdagang COVID-19 ward, PPE’s at mga karagdagang beds.

Sa ngayon ay hindi pa aniya ginagamit ang mga ipinagkaloob na tent dahil lumuwag na ang dating COVID-19 ward ng CVMC.

Facebook Comments