COVID-19 patients na nabigyan ng Hydroxychloroquine, ilalagay sa close monitoring ayon sa DOH

Mahigpit na babantayan ng Department of Health (DOH) ang mga COVID-19 patient na nabigyan ng anti-malarial drug na Hydroxychloroquine.

Nabatid na sinuspinde ng World Health Organization (WHO) ang paggamit ng nasabing gamot sa Solidarity Trial habang nagsasagawa ng safety review.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, inirekomenda ng WHO na ihinto ang pabibigay ng Hydroxychloroquine sa mga bagong pasyente.


Pero nilinaw ni Vergeire na maaari pa ring ituloy ang pagbibigay ng nasabing gamot sa mga pasyenteng unang nakatanggap na nito basta mayroong close monitoring.

Sinabi ni Vergeire na ang mga pasyenteng binibigyan ng gamot sa clinical trial ay voluntary participation lamang.

Ang Hydroxychloroquine ay ibinigay sa ilang COVID-19 patients sa bansa lalo na at bahagi ang Pilipinas sa Solidarity Trial ng WHO para sa paghahanap ng lunas para sa coronavirus disease.

Sa ngayon, nasa 110 candidate vaccines para sa COVID-19 ang dine-develop sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Facebook Comments