Umapela ang House Committee on Health sa Philhealth na akuin nito ang bayad sa gamutan ng mga pasyenteng magpopositibo sa Coronavirus disease (COVID-19).
Inirekomenda ni Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa pagdinig ng komite ang full-Philhealth coverage sa mga COVID-19 patients.
Ayon kay Defensor, sa present rates ng Philhealth ay tanging Pneumonia at mga sintomas nito na lagnat, ubo, sore throat at laboratory tests ang sakop.
Pero dahil halos pareho ang sintomas ng may pneumonia at COVID-19, hiniling ni Defensor na gawing bukas ang package para sa Pneumonia sakali mang coronavirus ang sakit.
Ikinakabahala ng mambabatas ang mga mahihirap na mamamatay na lamang sa COVID-19 dahil walang pambayad sa pagpapagamot nito.
Sinuportahan naman ni Quezon Representative Angelina Tan, chairman ng komite, ang nasabing mosyon ni defensor na aniya ay tugon sa deklarasyon ni Pangulong Duterte na isa nang ‘public health emergency’ ang COVID-19 sa bansa.