WEST JAVA, INDONESIA – Nauwi sa tensiyon ang pagsundo sa isang residenteng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos itong tumangging sumama sa medical team noong Biyernes, Mayo 15.
Sa ulat ng The Jakarta Post, sinabing nagwala ang 40-anyos na lalaki nang puntahan ng mga frontliner sa kaniyang bahay sa Empangsari district, Tasikmalaya.
Pero mas lalong na-beastmode ang pasyenteng dinapuan ng COVID-19 dahil napansin niyang kinukuhanan siya ng video ng mga kapitbahay.
Bigla raw hinabol ng lalaki ang mga indibidwal na nagvi-video at isa-isa silang niyakap sa pagbabakasakaling mahahawaan din sila ng kinatatakutang virus.
“What are you staring at? I will hug you all, you will soon be people under monitoring,” hirit ng nanggagalaiting pasyente.
Sa huli ay nahikayat ang lalaki na sumama ng maayos sa pagamutan.
Ayon kay Tasikmalaya Deputy Mayor Muhammad Yusuf, kinailangan daw magtungo roon ng mga frontliner dahil tumanggi ang pasyente na sumailalim sa self-quarantine.
“I have ordered a team to forcibly take the patient, because if not, it would be dangerous for the neighborhood if transmission occurs,” pahayag ni Yusuf.
Iniutos din ng opisyal na hanapin ang lahat ng nakasama ng lalaki at magsagawa ng disinfection sa apektadong komunidad.