Bahagyang tumaas ang COVID-19 positivity rate o bilang ng mga nagpopositibo sa naturang sakit sa buong bansa.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, pumalo kahapon, Nobyembre 3 sa 10.9 percent ang COVID positivity rate na mas mataas ito kumpara sa 10.3% noong Oktubre 31.
Kasunod nito, sinabi ni David na posibleng sumampa sa 1,100 hanggang 1,200 ang maitalang bagong kaso ng sakit ngayong araw.
Samantala, bumaba naman sa 8.9 percent mula sa 10.7% noong nakaraang linggo ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).
Ito na ang pinakamababang naitalang seven-day ratio sa NCR simula noong Hulyo 4.
Ayon kay David, kung magpapatuloy pa ang pagbaba nito ay posibleng mababa na sa 100 na bagong kaso ng COVID-19 ang maitala sa Metro Manila bago matapos ang Nobyembre.