Inaasahang tataas ang naitatalang mga gumagaling sa COVID-19 sa bansa sa mga susunod na araw matapos baguhin ang protocol sa pag-discharge ng mga pasyente sa mga ospital at quarantine facilities.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi na nila nire-require sa mga COVID-19 patient na mag-negatibo mula sa re-test para sila ay makalabas at ikunsiderang “recovered.”
Ginagamit nila ngayon ay ang “symptoms-based approach” bilang bagong protocol.
Sinabi ni Vergeire na kapag hindi na nakikitaan ng sintomas ang pasyente ay maaari na siyang pauwiin ng kanyang doktor.
Kailangan aniyang kumpletuhin ng mga asymptomatic ang 14-araw na wala silang sintomas bago sila payagang umuwi na hindi na kailangang i-test.
Mahalaga ring sumailalim muli ang mga ito sa 14 na araw na home quarantine bago silang ideklarang “recovered.”
Dagdag ni Vergeire, pinag-aaralan na rin ng ahensya ang posibilidad na ibaba sa pitong araw ang nabanggit na karagdagang quarantine period.
Pagtitiyak ng DOH na ang bagong protocol sa discharging at pagdedeklara ng recovered cases ay sinusuportahan ng ebidensya.