Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang nagbabawal at magpaparusa sa sinumang magpapakita ng diskriminasyon laban sa mga indibiduwal na idineklarang confirmed, suspect, probable, at recovered mula sa COVID-19.
Sa ilalim ng House Bill 6817, layunin nitong bigyan ng proteksyon mula sa anumang pagkiling at diskriminasyon ang mga dinapuan at gumaling sa coronavirus diseases at mga nagbibigay ng medical, logistical at service support.
Kinikilala rin ng panukala ang dignidad at kabayanihan ng mga health workers, responders at services workers na fronliners sa paglaban sa COVID-19.
Sakop din ng panukala ang mga stranded individuals, at repatriated OFWs.
Ikinokonsiderang diskriminasyon laban sa mga ito ang bigong pagbibigay sa kanila ng ayuda, harassment o assault, stigmatization, at pagtanggi na kilalanin ang kanilang valid at existing contracts.
Ang mga makakagawa ng harrassment o assault ay papatawan ng 10 taong pagkakakulong at multang aabot sa ₱200,000 hanggang ₱1 million.
Ang mga bigong makakapagbigay ng tulong at tumangging kilalanin ang valid at existing contracts ay makukulong naman ng anim na buwan hanggang limang taon at papatawan ng ₱50,000 hanggang ₱500,000 na multa.