Bumaba ang reproduction number ng COVID-19 sa bansa matapos ang pagdiriwang ng Pasko.
Taliwas ito sa inaasahang pagtaas ng bilang ng tatamaan ng COVID-19 dahil sa mga aktibidad ng mga tao ngayong holiday season.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research Group na mula 1.15 noong kalagitnaan ng Disyembre, bumaba sa 0.95 ang reproduction number noong Pasko na nangangahulugang walang aktibong transmission ng COVID-19 sa komunidad.
Pero aniya, maaari pa rin itong sumipa pataas sa pagsalubong ng Bagong Taon.
“Siguro nga, nag-iingat na yung ating mga kababayan. It looks like the data seems to be saying na nafa-flatten na yung curve natin despite the fact na mayroon tayong pangamba ng bagong variant ng SARS-CoV-2,” ani Ong.
At dahil pababa ang trend, sinabi ni Ong na walang dapat ikaalarma sa ngayon maliban na lamang kung makapasok sa bansa ang new variant ng coronavirus na unang na-detect sa United Kingdom.
Kaugnay nito, sinang-ayunan ng medical expert ang pagpapatupad ng travel restriction sa UK at sa mga bansang may napaulat nang kaso ng bagong uri ng COVID-19.
Pero paglilinaw ni Ong, ang pagpapatupad ng travel ban ay hindi nangangahulugang hindi na magmu-mutate ang virus.
Aniya, kahit hindi makapasok ang UK COVID variant, posible pa ring magkaroon ng independent mutation sa Pilipinas na kapareho ng nangyayari ngayon sa ibang bansa.
“Mapapabilis yung pag-spread ng bagong variant sa Pilipinas kapag may naipasok tayong kaso ng bagong variant na ito.
But that does not mean that if we close our borders, hindi magmu-mutate ang virus.
Virus has mutate even though walang external source.
So sa Pilipinas, maaaring magkaroon tayo ng independent mutation among Filipinos inside the country, which can be parallel to the mutation happening around the world,” paliwanag pa ni Ong.
Sa huli, pinayuhan ni Ong ang publiko na mahigpit na sumunod sa mga health protocol.