COVID-19 reproduction number sa Quezon City, malapit na sa itinakdang standard ng WHO

Naitala na sa Quezon City ang anim na linggong may pinakamababang COVID-19 reproduction number.

Base sa datos ng OCTA Research, ang reproduction number o ang dami ng kataong posibleng makakuha ng impeksyon mula sa isang infected ng virus ay naitala na sa 0.67 noong October 7 to 13, mababa sa 0.80 noong September 30 hanggang Oct. 6.

Naitala ito sa 0.91 noong September 2 hanggang 8; 0.83 noong September 9 hanggang 15; 0.76 noong September 16 hanggang 22 at 0.78 noong September 23 hanggang 29.


Ang pinakabagong data ay malapit na sa ideal reproductive number na 0.50 na itinakda ng World Health Organization (WHO).

Base naman sa report ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, nakapagtala ito ng 89 percent recovery rate ng COVID-19 patients.

Gayunman, ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, hindi dapat magpakakampante bagkus ay higit na paigtingin ang pagtutulungan sa pagpapatupad ng safety protocols upang mapababa pa ang COVID-19 case sa lungsod.

Facebook Comments