Malugod na tinatanggap ng Malacañang ang lahat mga inisyatibong isinasagawa ng Office of the Vice President (OVP) para tulungan ang mga Pilipino ngayong pandemya.
Nabatid na sinabi ni Robredo na nagawa nilang makapagsagawa ng ilang COVID-19 response projects kahit limitado lamang ang kanilang budget.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, na-a-appreciate nila ang mga programa ni VP Robredo ngayong pandemya.
Bukas aniya ang pamahalaan sa anumang kontribusyon, policy recommendations mula sa oposisyon na makakatulong para sa paglaban sa health crisis.
Sinabi rin ni Roque na napapanahon lamang na tulungan ang pamahalaan na tugunan ang epekto ng pandemya.
Sang-ayon din si Roque kay Robredo na mas nananaig ang pagtutulungan ng mga Pilipino sa kanilang kapwa sa kabila ng mga hamon at banta.
Matatandaang pinasalamatan din ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ang mga Pilipinong naghatid ng essential health services, nagpalakas ng economic activity, at tiyaking gumagalaw ang food chain supply at pagtiyak ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad ngayong pandemya.