COVID-19 response, nananatiling prayoridad ng administrasyon; usapin sa pulitika, mahirap iwasan lalo na’t nalalapit na ang 2022 elections – Palasyo

Numero uno pa rin na prayoridad ng Duterte administration ang pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Pero hindi maiiwasang talakayin ang pulitika lalo na’t nalalapit na ang 2022 national elections.

Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque makaraang makipagpulong nitong Martes si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kaalyado nya sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).


Ayon kay Roque hindi nagbabago ang prayoridad ng pamahalaan lalo na’t hindi pa natatapos ang giyera kontra COVID-19.

Giit ng kalihim, nakasaad sa ating Saligang Batas na magkakaroon ng halalan sa Mayo, kung kaya’t habang nasa pandemya, ay pinag-uusapan na rin ang pulitika.

Pero ang prayoridad aniya ay nananatiling pagbangon sa pandemyang ating kinaharap.

Una nang sinabi ng pangulo na umuupo bilang PDP-Laban Chairman na seryoso niyang pag iisipan ang pagtakbo bilang bise-presidente sa nalalapit na halalan.

Facebook Comments