Binigyang-diin ng pamahalaan na iba-iba ang ginagawang istratehiya ng bawat bansa sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at depende rin ito sa sitwasyon sa bawat lugar.
Tugon ito ni Health Director Dr. Beverly Ho nang tanungin kung gagawin rin ba sa Pilipinas ang ipinatutupad ngayon ng China na pagsasailalim sa COVID-19 test sa lahat ng residente ng Wuhan, China makaraang makapagtala muli ng COVID-19 case doon makalipas ang isang taon.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Dr. Ho na nirerespeto ng gobyerno ang mga istretehiya ng ibang bansa.
Gayunpaman, dito sa Pilipinas ay mas naka-focus ang pamahalaan kung nasaan na ito sa nagpapatuloy na laban sa COVID-19, at kung ano ang mas kailangang gawin sa kasalukuyan.
Nananatili aniya na ang pagbabakuna ng mas maraming indibidwal sa mas maikling panahon, ang prayoridad ng bansa.