Nanindigan si Vice President Leni Robredo na hindi gumagana ang response efforts ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic kasunod na rin ng tumataas na bilang ng kaso.
Ito ay kasunod ng panawagan ng mga frontline health workers na higpitan muli ang lockdown restrictions sa Metro Manila at kalapit na probinsya.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, muling nanawagan si Robredo na silipin muli ang mga polisiya nito at pagbutihin ang mga aspeto kung sila ay nagkukulang.
Nais aniya ng medical community na magkaroon ang pamahalaan ng komprehensibong istratehiya laban sa pandemya.
Nasurpesa rin si Robredo sa biglaang pagdami ng bilang ng mga gumaling matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang record-high recoveries na nasa 38,075.
Pinayuhan ng Bise Presidente ang DOH na abisuhan ang publiko bago mapatupad ng pagbabago sa kanilang data system.