COVID-19 Situation sa City of Ilagan, Nasa “High-Risk”- Mayor Diaz

Cauayan City, Isabela- Nasa “high-risk” category na sa usapin ng COVID-19 ang City of Ilagan dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng aktibong kaso sa lungsod.

Ito ang kinumpirma ni Mayor Josemarie Diaz sa katatapos na City Inter-Agency Task Force on Covid 19 Coordination Meeting.

Ayon sa alkalde, ang 2-week growth rate ng lungsod mula sa 57.03% ay pumalo na ito sa 138.58% sa nakalipas na tatlong araw.


Dagdag pa nito, ang weekly rate na nararanasan ng siyudad pagdating sa COVID-19 ay nasa medium o moderate risk.

Sinabi pa ni Diaz na muling nararanasan ng lungsod ang community transmission o ang hindi matukoy ang pinagmulan ng hawaan ng naturang virus.

Nakakabahala na aniya ang sitwasyon kaya’t hindi maaaring ipagwalang-bahala o hayaang lumala pa ito na aabot ang sitwasyon sa ‘uncontrollable’ na.

Kaugnay nito, malaki umano ang impact ng pagpapatupad ng hard lockdown dahil kita ang pagbaba ng mga kaso kumpara kung magiging maluwag sa pagpapatupad ng polisiya.

Samantala, batay sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office, nasa 243 na ang active cases ng COVID-19 sa City of Ilagan.

Sa ngayon ay nananatili pa rin ang ipinatupad na 8-day localized lockdown sa walong barangay ng lungsod.

Facebook Comments