Mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang COVID-19 situation sa Metro Manila lalo na at nakikitaan pa rin ito ng paglobo ng kaso.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakapagtala ang National Capital Region (NCR) ng mataas na bilang ng COVID-19 cases kahapon na nasa 1,151 new infections.
“Ito ay talagang tumataas ang bilang ng mga kaso mula sa NCR dahil nung nakaraang linggo ay halos nasa humigit kumulang 650 kaso lamang ang naitatala. Ngayon po ay halos pa doble na tayo. Kaya ito ay talagang binabantayan natin,” sabi ni Duque.
Ang mga rehiyong nakapagtala rin ng mataas na bilang ng bagong kaso ay Calabarzon (701 cases), Western Visayas (540 cases), Ilocos Region (334 cases), Central Luzon (334 cases), at Central Visayas (326 cases).
Nanawagan si Duque sa mga local government units (LGUs) na paigtingin ang mga hakbang laban sa COVID-19.
Hinimok din ni Duque ang publiko na magpabakuna lalo na ang mga senior citizens at may comorbidities.
Kaugnay nito, iginiit ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na ang lahat ng bakuna sa bansa ay epektibo laban sa Delta variant.