COVID-19 special session, isinulong ng mga Senador

Hiniling ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, gayundin nina Senators Christopher Bong Go at Panfilo “Ping” Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng special session.

Ito ay para aprubahan ang supplemental budget na gagamitin para sa food subsidy para sa mga pamilyang apektado ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon dahil sa COVID-19.

Ang pondong tinutukoy ni Sotto ay bukod pa sa supplemental budget na ipinasa ng Kamara na gagamitin ng Department of Health (DOH).


Sinabi naman ni Senator Go na sa ngayon ay may sapat pang pondo pero hindi dapat maging kampante dahil nagpapatuloy ang problema sa COVID-19 at hindi pa tiyak ang mangyayari sa mga darating na araw.

Diin ni Go, ang dagdag na pondo ay daan para makapagbigay ang gobyerno ng higit pang tulong pinansyal at pagkain sa mga Pilipino na nabibilang sa mahihirap na sektor at informal economy.

Hangad naman ni Senator Lacson, na mapaglaanan din ng pondo ang tulong pinansyal para sa mga senior citizen na higit delikadong tamaan ng COVID-19.

Una na ring nanawagan ang Senate Minority Bloc na magsasagawa ng special session para maipasa ang supplemental budget na ipantutulong sa mga apektadong pamilya at mga mangagawa.

Facebook Comments