COVID-19 survivor, ikinuwento ang karanasan sa pakikipaglaban sa sakit; mga health workers, pinasalamatan!

Labis-labis ang pasalamat ni Atty. Rubin Cura sa health workers na walang takot na nag aalaga sa kanya matapos siyang magpositibo sa COVID-19.

Si Atty. Cura kasi ay kabilang sa na-admit sa Makati Medical Center at na-confine rito sa loob ng 18 araw bago gumaling sa COVID-19.

Ayon kay Atty Cura, wala siyang travel history pero meron siyang dinaluhan na isang gathering at hinala niya doon niya nakuha ang sakit dahil may isang dumalo sa nasabing pagtitipon na nagpositibo sa COVID-19.


Matapos, aniya, ang pagdalo niya sa nasabing pagtitipon ay nagsimula na siyang makaramdam ng sintomas ng COVID-19 tulad ng ubo’t sipon, lagnat at pagtatae kaya agad siyang nagpasuri sa MMC noong March 14 at na-admit siya sa nasabing ospital.

Isang linggo matapos siyang magpa-swab noong March 21 kung saan lumabas sa resulta  na positibo siya sa COVID-19.

Ayon kay Atty. Cura, sa loob ng 18 araw na pakikipaglaban niya sa COVID-19 ay nanalangin lamang siya at dahil sa tiyaga ng mga doktor at nurses ng Makati Medical Center ay gumaling siya.

April 1 nang lumabas Si Atty Cura sa hospital kung saan muli niyang nakasama ang kanyang pamilya.

Nagbigay pa ng payo ang COVID-19 survivor sa publiko na sundin ang ipinatutupad ng pamahalaan na manatili sa kanilang mga bahay upang maiwasan na mahawaan sila ng COVID-19.

Nagpapasalamat din si Atty. Cura sa Pasay City Health Department na kasama rin sa nag-monitor sa kanya habang nakikipaglaban siya sa COVID-19.

Facebook Comments