Umabot na sa higit 2 milyong swab test ang naisagawa ng Philippine Red Cross sa buong bansa.
Ayon sa PRC, 24 percent sa kabuuang bilang ng sumailalim sa swab test sa buong Pilipinas ay mula sa PRC maging ang halos 37 percent sa National Capital Region (NCR).
Ngayong taon din nila inilunsad ang Saliva RT-PCR test na higit na mas mura, non-invasive o walang instrumento ang ipapasok sa inyong katawan pero tama ang resulta.
Kasabay nito, pina-plano na rin ng PRC ang home collections ng saliva samples na kukuhain sa pamamagitan ng motorcycle taxi na Angkas ng sa gayon ay mas marami itong maabot na tao na hindi na kinakailangang lumabas ng tahanan.
Lubos naman ang naging pasasalamat ni PRC Chairman at CEO Senator Richard Gordon sa mga researchers, medical technologists, staff at volunteers na patuloy na tumutulong sa kanila upang malabanan ang COVID-19.
Sa kabila nito, iginiit ni Gordon na magsisilbi itong paalala sa kanila na dapat mas paigtingin pa ang testing, tracing at treating upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng sakit para makabalik na ang lahat sa normal.
Matatandaang sinimulan ng PRC ang COVID-19 swab test noong April 2020 kung saan halos 9,000 samples kada araw ang kanilang naipo-proseso.