Nakakagawa na ng 9,200 actual COVID-19 testing kada araw ang gobyerno mula sa dating 5,000 tests per day.
Ito ang inihayag ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr.
Ayon kay Galvez, 74% na ang testing capacity ng pamahalaan at tiniyak niyang lalawak pa ang kapasidad ng Pilipinas para makapagsagawa ng mass testing.
Sinabi ni Secretary Galvez, mula noong May 12, 2020, nakapagsagawa na ang gobyerno ng 181, 688 na COVID-19 test sa 166,470 na indibidwal.
Dagdag pa ng opisyal, nakapamahagi na rin sila ng may 177,500 rapid test kits sa Davao region, National Capital Region (NCR), CARAGA, Laguna, Zamboanga City at iba pang mga lugar na walang laboratory.
Mula naman sa tatlong testing centers, ipinagmalaki rin ni Galvez na mayroon nang 30 testing centers sa buong bansa at target pa ng gobyerno na dagdagan ito.