COVID-19 Testing Center ng CVMC, Bubuksan na sa Agosto

Cauayan City, Isabela- Bubuksan na sa darating na buwan ng Agosto ang bagong COVID-19 Testing Center ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, pinuno ng CVMC, nakatakda na sa ika-3 ng Agosto 2020 ang pagbabasbas sa itinayong lab testing center na papakinabangan ng mga kalapit na probinsya maging sa ilang Lalawigan sa parte ng Cordillera Administrative Region (CAR).

Malapit na aniyang matapos ang kanilang itinayong lab testing center dahil dumating na ang mga pangunahing gamit at machine para sa pagsuri sa mga swab sample.


Hinihintay na lamang nila ang isa (1) pang testing machine at mga karagdgang ventilator mula sa Department of Health (DOH) para sa mga COVID-19 patients.

Ayon pa kay Dr Baggao, bente kwatro oras ang magiging operasyon ng kanilang testing lab na maaaring makapag-test ng 100 hanggang 300 na samples.

Sinabi pa ni Dr. Baggao na kumpleto na ang kanilang pwersa na mag-aasikaso sa naturang Laboratoryo.

Hinihintay na lamang ngayon ang gagawing pinal na inspeksyon at sakaling mabigyan na ng permit ay sisimulan na ang operasyon ng Testing Center ng CVMC.

Facebook Comments