Gagana na sa mga susunod na araw ang COVID-19 testing center ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng Camp Crame sa Quezon City matapos maaprubahan ang kanilang lisensya para makapag-operate.
Ayon kay Lieutenant General Camilo Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration at Commander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF), nitong May 22, 2020, nang matanggap nila ang kanilang lisensya na ibinigay ng Department of Health (DOH), siyam na araw matapos na makatanggap rin sila ng certification mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM)-DOH na nangangahulugang pasado ang kanilang pasilidad para mag-perform ng RT-PCR test.
Aniya, nag-isyu ng certificate ang RITM matapos ang 4-day training ng 15 personnel ng PNP Crime Laboratory sa UP – National Institutes of Health na nagsimula noong April 27, 2020, gayundin ang compliance na magkaroon ng sapat na lab equipment ang pasilidad.
Ang testing center ay pansamantalang nasa loob ng PNP Crime Lab at sa mga susunod na panahon ay magtatayo na ang PNP ng permanenteng pasilidad na may sukat na 84 square meter sa likod ng gusali ng PNP Health Service.
Sinabi ni Cascolan, prayoridad na i-test ang mga police frontliner para agad na mapigilan ang pagkakahawa-hawa.
Sa huling ulat ng PNP, umabot na sa 777 ang probable Person Under Investigation (PUIs), 575 ang suspected cases, 263 confirmed COVID-19 positive, 102 na pulis na ang gumaling habang apat ang namatay.