COVID-19 Testing Center sa City of Ilagan, All-Set na

Cauayan City, Isabela- Handa na anumang oras ang Lokal na Pamahalaan ng Ilagan para sa pormal na pagbubukas ng COVID-19 testing center sakaling mabigyan na ng sertipikasyon mula sa Department of Health (DOH).

Sa kanyang talumpati, inihayag ni City Mayor Josemarie ‘Jay’ Diaz na kumpleto na sa kagamitan at mga iba pang kakailanganin para sa operasyon ng PCR Testing sa lungsod habang maghihintay ang LGU ng inspeksyon mula sa DOH.

Ayon sa alkalde, magsasagawa sila ng ilang hakbang para marami ang masuri at agad na matukoy kung ang isang indibidwal ay positibo sa virus at agad na makapagsagawa ng contact tracing.


Nagdagdag na rin aniya ng dalawang (2) gusali at sampung (10) modular houses na siyang gagamitin ng mga asymptomatic patient.

Kabilang din ang bagong gawang Ilagan City Hospital na gagamiting pasilidad para rin sa may mga mild cases na pangangasiwaan ng mga idedeploy na nurses at mga doktor na hiniling ng LGU sa DOH region 2.

Sa katunayan, handa na rin ang nasa 73 contact tracers na tutulong sa mga medical staff sa paghahanap ng mga posibleng nagkaroon ng direct contact ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Una nang nagpalabas ng kautusan ang alkalde sa lahat ng ospital sa lungsod na kaagad abisuhan ang mga lokal na pamahalaan kung mayroong maitalalang emerging disease na posibleng mauwi sa COVID-19 at agad na makapagsagawa ng contact tracing.

Ipinag-utos ng opisyal ang pagtatalaga ng surveillance officer ng mga opisina at establisyimento sa lungsod na siyang mangangasiwa na ipaalam ang mga makikitaan ng sintomas ng COVID-19 at agad maidala sa isolation facilities o ospital.

Facebook Comments