COVID-19 testing Makati, sinimulan na

Umarangkada na kahapon ang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 testing para sa mga frontliners ng Lungsod ng Makati.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, nasa 110 frontliners ang sumailalim ng swabbing kahapon.

Mula sa nasabing bilang 50, dito ay mula sa health care workers ng Ospital ng Makati, 39 sa Rizal Health Center at 27 sa Pembo Health Center.


Ang nakuhang samples, aniya, ay dadalhin sa Philippine Red Cross-National Headquarters sa Mandaluyong City para masuri.

Inaasahang, aniya, na lalabas ang mga resulta makalipas lamang ang dalawang araw.

Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng testing ng frontliners upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kalusugan, lalo na’t direkta nilang nakakasalamuha ang mga pasyente.

Matatandaan, lumagda ang Makati sa isang memorandum of agreement kasama ang Red Cross para sa mass testing ng hindi bababa sa 2,000 frontliners, suspected at probable cases at PUMs.

Facebook Comments