Maaaring ipagpatuloy ng Philippine Red Cross (PRC) ang COVID-19 testing nito kahit hindi pa nababayaran nang buo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang halos P1-bilyong utang nito sa PRC.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PRC Governor Corazon Alma De Leon na maaari naman nilang ituloy ang pagsasagawa ng COVID-19 testing kapag nabayaran na ng PhilHealth maski ang kalahati ng kanilang utang.
Aniya, depende pa rin ito sa desisyon ni PRC Chairman Richard Gordon.
Bukod dito, ikinokonsidera rin aniya ng PRC ang accessibility ng kanilang testing materials.
Para kay De Leon, mas mainam kung makakapagbayad muna nang buo ang PhilHealth para hindi magpatung-patong ang utang ng ahensya.
“Be that as it may, kahit mabigyan mo ng P400 million e P600 million pa, so tatakbo ang metro. Magte-test ka pa, e di lolobo pa rin ang utang kaya mahalaga na ma-settle ito dahil ‘pag hindi na-settle ang utang, hamstrung ang Red Cross naman to carry out ‘yung gustong agreement,” ani De Leon.
“Mas maganda na kara-kara makabayad ang Philhealth para walang problema sap ag-purchase ng additional test materials at pagpapatuloy ng testing,” dagdag pa ng opisyal.
Nilinaw naman ng PRC na nagpapatuloy ang COVID-19 testing nila para sa mga non-PhilHealth members.