Iginiit ng Malacañang na masyado pang maaga para pag-usapan ang panukalang ipagbawal ang campaign-related activities para sa 2022 elections, lalo na at magsisimula pa lamang ang COVID-19 mass immunization sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mahalagang hintayin ang magiging impact ng immunization drive bago gumawa ng desisyon hinggil dito.
“We are aiming to vaccinate 100% of our adult population within the year of 2021. So siyempre, hindi mo naman mababalewala na kung tayo ay makakamit natin iyong target na iyon, eh baka maibsan po iyong ating mga alinlangan sa face-to-face campaigning,” sabi ni Roque.
Sinabi ni Roque na mayroon pang panahon para makapagdesisyon hinggil sa mga aktibidad na may kinalaman sa halalan.
“Hindi ko po sinasabi na it will actually happen but all I am saying is let’s wait what will happen to our vaccination campaign dahil mayroon pa naman tayong panahon,” dagdag ni Roque.
Gayumpaman, iginagalang ng Palasyo nag Commission on Elections (COMELEC) na siyang magdedesisyon hinggil dito.