COVID-19 vaccination, hindi isang karera – Galvez

Iginiit ni National Task Force against COVID-19 at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang pagkuha ng bakuna laban sa COVID-19 at pagpapabakuna nito sa publiko ay hindi isang karera.

Ito ang pahayag ni Galvez sa harap ng mga kritisismong napag-iiwanan na ang Pilipinas sa ibang mga bansa pagdating sa vaccine procurement.

Ayon kay Galvez, hindi ito paunahan sa bakuna dahil mahalagang tingnan kung mabisa at ligtas ang bakuna.


Binigyang diin pa ni Galvez, hindi mayamang bansa ang Pilipinas na kayang bumili agad ng malaking supply ng bakuna.

Nasa 80% ng vaccine supply sa buong mundo ay nakuha na ng mga mayayamang bansa habang limang porsyento ay napunta sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO) na siyang humahawak ng global solidarity trial.

Target ng Pilipinas na makuha ang natitirang 15% ng vaccine supply habang sinisigurong ligtas at epektibo ang bakuna.

Aminado si Galvez na nakakaapekto sa timeline ng vaccine procurement ang mahigpit na regulatory requirements.

Mula sa 200 candidate vaccines para sa COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng mundo, nasa lima hanggang pito lamang ang nabigyan ng Emergency Use Authorization at pinayagang magsagawa ng mass production.

Ang pamahalaan ay nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kumpanya para sa COVID-19 vaccine supply kabilang ang Pfizer, AstraZeneca, Sinovac, Sinopharm, CanSino at Gamaleya.

Nasa 70 milyong Pilipino ang target na mabakunahan sa loob ng tatlo hanggang limang tao.

Facebook Comments