Inirekomenda nila Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin at Misamis Oriental Rep. Juliette Uy na gamitin na rin sa mga prison personnel at detainees ang COVID-19 vaccines bago pa ito abutan ng expiration.
Sa katapusan ng Hunyo ay ma-e-expire na ang 1.5 million doses ng AstraZeneca habang sa Hulyo naman ma-e-expire ang mahigit na 500,000 ng parehong brand ng bakuna.
Paalala ng mga kongresista, dating kabilang ang mga prison personnel at mga detainee sa category A ng priority group.
Sinabi ni Garbin na kung mabibigyan ang mga ito ng bakuna ay makakamit ang localized herd immunity sa mga bilangguan.
Para kay Uy, pwede ring ibakuna ang COVID-19 vaccines sa mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), National Bilibid Prison (NBP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), MMDA traffic personnel, at mga barangay tanod.
Mas madali aniyang gawin ang pagbabakuna sa mga ito dahil nasa iisang lugar tulad ng mga facility, kulungan o field stations ang mga ito.