Pinaaamyendahan ni Committee on Health Vice Chairman at Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.
Sa ilalim ng House Bill 9252 na inihain ni Barzaga ay inirerekomenda nitong gawin nang “mandatory” ang pagbabakuna para sa mga Pilipinong ‘eligible’ na makakuha ng COVID-19 vaccination na siya namang tinukoy ng Department of Health (DOH).
Nakasaad sa panukala na para makamit ang herd immunity laban sa COVID-19, kailangang mabakunahan ang malaking bahagi ng populasyon ng bansa.
Tinukoy sa panukala na magiging trahedya sa bansa kung may ligtas at epektibong bakuna ngunit marami naman ang ayaw magpaturok dahil sa takot.
Makakamit lamang umano ang herd immunity sa bansa kung may batas na gagawing mandato at isusulong ang COVID-19 vaccination, tutugunan ang pangamba sa bakuna at itataas ang kumpyansa ng publiko sa COVID-19 vaccine.
Binigyang diin pa na mahalagang maitaas ang kumpyansa ng publiko sa bakuna sa pamamagitan ng pagpapaigting sa mass information campaign gamit ang print, radio, tv at social media.
Tinukoy pa sa panukala na hindi na bago ang pagoobliga sa vaccination law kahit sa ibang bansa lalo na kung ito naman ay ipapatupad para sa kapakanan ng nakararami.