COVID-19 vaccination program, pinasisilip sa Kamara

Pinapasilip ng isang kongresista sa Kamara ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Inihain ngayong araw ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang House Resolution 1455 kung saan inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na silipin ang inilalatag na COVID-19 vaccination program ng gobyerno.

Pinatitiyak din sa Inter-Agency Task Force (IATF) na cost-effective ang distribusyon at sapat ang logistical equipment gayundin ang capacity-building para sa implementasyon ng programa.


Mahalaga aniya na matiyak na walang masasayang na pondo sa vaccination program kaya importanteng may malinaw na plano kung papaano ma-maximize ang available funds dito at mabantayan kung magkano pang pondo ang kakailanganin para sa COVID-19 vaccine.

Pinabubusisi rin sa resolusyon ang plano ng pamahalaan sa pamamahagi ng bakuna kung saan pinasisiguro na ang mga doses ay epektibong maibibigay sa lahat ng rehiyon sa bansa at may sapat na kakayahan ang mga ahensya para mabilis na maisagawa ang distribution ng bakuna.

Bukod dito ay dapat may malinaw na ring nakalatag na plano para sa sapat na cold storage capacity, manpower, mga trabaho ng LGU at private sector, information dissemination sa bakuna at monitoring sa programa.

Facebook Comments