Tinatarget ng gobyerno na bumili ng paunang 24 milyong bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 O COVID-19, oras na maging available na ito sa susunod na taon.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon na agad ng bakuna at ibigay ng libre sa mamamayan, lalong-lalo na ang mga mahihirap at frontliners, at mga essential workers.
Kung aayon aniya lahat sa plano, posibleng masimulan na ang pagbabakuna sa May 2021.
Gayunman, dedepende ang pagbabakuna sa financing development at pag-apruba sa mga bakuna.
Aniya, kapag magkakaron ng balakid sa supply at demand, pinakamaagang maisasagawa ang vaccination program ay sa katapusan ng 2021.
Target naman ni Galvez na bumuo ng COVID-19 vaccine core group na lalahukan ng 20 katao na pawang mga eksperto sa bakuna, diplomasya, logistics, at financing.
Pero, ito ay base pa sa aaprubahang mga pangalan ng Pangulo.
Kasama sa kanyang rekomendasyon ang Department of Finance, Department of Health, Department of Foreign Affairs, at iba pang pribadong sektor.