Target ng pamahalaan na mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga frontline healthcare workers sa susunod na linggo, February 15.
Nabatid na nais mabakunahan ng gobyerno ang 1.4 million individuals sa healthcare sector sa loob lamang ng isang buwan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang paparating na initial batch ng bakuna mula sa Pfizer-BioNTech na may kabuoang 117,000 doses ay sakop ang mga manggagawang kasama sa masterlist ng mga ospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Inaasahan nating magsisimula na tayo sa akinse… Sa katunayan, ‘yung mga medical frontliner, kumpleto na po ang mga pangalan nila,” sabi ni Roque.
Nasa 5.5 hanggang 9.2 million doses ng AstraZeneca Vaccines naman ang darating sa katapusan ng Pebrero o unang bahagi ng Marso.
“Inaasahan natin na lahat nung nasa paunang frontliners natin na humigit kumulang 1.4 million, hindi aabot ng isang buwan para matapos natin lahat ng medical frontliners,” ani Roque.
Aabot sa 50 hanggang 70 milyong Pilipino ang target na mabakunahan ng gobyerno ngayong taon, kung saan ₱73.2 billion ang inilaang pondo para sa procurement.
Sa ngayon, tanging Pfizer-BioNTech at AstraZeneca lamang ang mayroong emergency use authority (EUA) sa Pilipinas.