Nanawagan si Senador Imee Marcos sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gamitin ang impluwensya nito para masimulan ang bagong paraan sa pagnenegosyo ukol sa paggawa, pag-patent, pag-presyo, at pamamahagi ng mga bakuna kontra sa COVID-19.
Ayon kay Marcos, ito ay para hindi madehado ang mga maliliit na bansa na nananatiling nakaabang na lang sa presyong dikta ng mga pharmaceutical company na humahawak ng patent ng mga bakuna.
Umaasa si Marcos na panghahawakan ng ASEAN ang binitiwang pangako ng G20 noong Marso na walang limitasyon sa pagsisikap ng bawat indibidwal man o magkakasama, para protektahan ang buhay at siguruhin ang kabuhayan at pagkakakitaan ng mamamayan.
Ipinaalala pa ni Marcos na dahil sa impluwensiya, ay nagawa ng ASEAN noon ang trade bloc o pwersa sa pandaigdigang pangangalakal at pwedeng magamit muli ito para sa patas na presyo at distribusyon ng COVID-19 vaccines.
Diin ni Marcos, kailangan natin ng ‘global accord’ o kasunduan ng iba’t ibang bansa para sa bakuna kontra COVID-19, limitasyon sa presyo, sari-saring mga manufacturer at mga supply mula sa iba’t ibang mga bansa sa rehiyon.
Giit ni Marcos, maaaring pasimulan ng ASEAN ang ‘new normal’ sa mga ‘patent at mga copyright’, para sa kabutihan ng lahat.
Ipinunto pa ni Marcos na malinaw ang abiso ng World Trade Organization sa mga may patent sa bakuna na hinay-hinay sa pagne-negosyo kapag may public health emergency.