Naniniwala si AnaKalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na posibleng mas papabor ang mga Pilipino na magpabakuna kontra COVID-19 kung ito ay idadaan sa kanilang mga Health Maintenance Organization (HMO).
Ayon kay Defensor, ang mga HMO na pinagkakatiwalaan ng mga empleyado ay epektibong paraan para mas maging bukas ang mga ito sa pagpapabakuna lalo na kung ito ay ipoproseso ng mga clinics at ospital na accredited ng kanilang korporasyon.
Paliwanag pa ng mambabatas, ang mga HMO ay nasa posisyon para tulungan ang mga employer na ipaliwanag sa kanilang mga manggagawa at empleyado ang kabutihang maiduduot ng pagtanggap ng bakuna.
Bukod dito, naniniwala rin ang kongresista na mas mapapabilis ang inoculation program ng pamahalaan kung kukunin ang tulong ng private corporate sector.
Kasabay nito ay hiniling ni Defensor sa pamahalaan na pagsumitihin ang mga korporasyon ng plano sa immunization ng kanilang mga empleyado bilang bahagi ng kanilang business sustainability management.
Batay sa latest Pulse Asia survey, ipinakita na 32 % ng mga Pilipino ang handang magpabakuna ng COVID-19 vaccine ngunit 47 % naman ang hindi handa habang 21 % ang hindi pa makapagdesisyon.
Lumalabas din sa hiwalay na survey ng OCTA Research Group na 25 % lang ng mga Pilipino ang handang magpabakuna laban sa Coronavirus disease.