COVID-19 vaccine injury compensation package, inilunsad na ng PhilHealth

Inilunsad na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang “COVID-19 vaccine injury compensation package.”

Ang nasabing kompensasyon ay para sa mga indibidwal na nakaranas ng serious adverse events matapos na mabakunahan kontra COVID-19.

Ayon kay PhilHealth Vice President Shirley Domingo sa isinagawang media forum ng Department of Health (DOH), ang compensation package ng ahensya ay magiging available sa loob ng limang taon o March 2, 2026; o hanggang sa makumpleto sa ating bansa ang COVID-19 vaccination program.


Maaari naman daw itong palawigin ng pangulo pero depende sa rekomendasyon ng advisory committee.

Sinabi pa ni Domingo na epektibo na ito matapos malathala sa isang pahayagan noong kalagitnaan ng Hunyo.

Sa ilalim nito, kapag na-ospital ang indibidwal, aabot sa P100,000 ang compensation package “on top” sa kanilang PhilHealth benefits at benepisyo sa ilalim ng kanilang private health insurance o health management organizations.

Para naman sa permanent disability o death, sinabi ni Domingo na ang lumpsum ay aabot sa P100,000 at babayaran ng isang beses para sa benepisyaryo.

Ang mga eligible o maaaring makakuha ng vaccine injury compensation package ay ang taong nabakunahan, o kaya ang primary beneficiaries gaya ng asawa, mga anak; at secondary beneficiaries tulad ng mga magulang.

Nilinaw naman ni Domingo na ang “direct casuality” o sanhi ay kailangang madetermina sa pamamagitan ng causality assessment.

Facebook Comments