COVID-19 vaccine, magiging libre kapag naging available – Galvez

Pinag-iingat ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang publiko na nagsasagawa ng individual reservations ng COVID-19 vaccines dahil hindi ito makatutulong.

Paalala ni Galvez na ang national government lamang ang may awtorisasyon na bumili ng COVID-19 vaccines at gamitin ito.

Ang anumang alok na gumagarantiya ng access sa alinmang bakuna ay hindi lamang ilegal, pero banta rin sa buhay.


Sinabi ni Galvez na magiging libre ang bakuna sa lahat ng Pilipino kapag naging available na ito.

Umapela siya sa lahat na habaan ang pasensya at magkaroon ng good judgement habang hinihintay ang pagdating ng mga bakuna.

Nagsagawa na siya ng coordination sa mga kaukulang ahensya para tukuyin ang mga responsable sa misinformation patungkol sa vaccine procurement.

Ang Vaccine Expert Panel at ang Food and Drug Administration (FDA) ay kasalukuyang nasa proseso ng pag-evaluate ng clinical trials ng candidate vaccines na sinisilip ng pamahalaan.

Ibig sabihin, wala pang iniisyung Emergency Use Authorization (EUA) sa alinman sa mga bakuna.

Hinimok ni Galvez ang publiko na mag-ingat sa mga bagay at impormasyong ibinabahagi sa publiko lalo na kung magmumula sa social media, sa harap na rin ng pagkalat ng mga maling balita hinggil sa availability ng COVID-19 vaccines at pag-procure sa mga ito sa pribadong pamamaraan.

Gayumpaman, tiniyak ng pamahalaan na ginagawa na nito ang lahat para ma-secure ang ligtas, epektibo at abot-kayang bakuna laban sa COVID-19 para sa lahat ng mga Pilipino.

Facebook Comments