Binigyan na kahapon ng ‘go signal’ ng Department of Health (DOH) ang mga COVID-19 vaccine manufacturer para makapag-apply ng Certificate of Product Registration (CPR) ng kanilang mga bakuna sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Anthony Leachon, miyembro ng Advisory Council of Experts (ACE), layon ng pagsusumite ng CPR na maging commercially available ang mga COVID-19 vaccine.
Gayunman, nangangahulugan din ito na hindi na magiging libre ang mga bakuna oras na hindi na palawigin pa ang COVID-19 state of calamity na mapapaso na sa Setyembre.
Pero para kay Leachon, makatutulong din ito para mapabilis ang COVID-19 vaccination sa bansa at maiwasang mapanis na lamang ang mga bakuna.
“Kaya ayaw magpabakuna ng mga tao ay alam nila libre, nandyan lang. Pero may shelf life ang bakuna, hindi ka pwedeng mag-antay. ‘Yung question mo, hindi na magiging libre, yes. Katulad din naman yan ng flu at pneumonia na libre sa Department of Health pero meron tayong mga kababayan na bibilin nila pangsarili para nang sa ganon, maprotektahan sila,” ani Leachon sa interview ng RMN Manila.
“Ang problema kasi, kapag hindi natin nilagyan ng timeline, hindi magkakandakumahog ang mga kababayan natin pati mga LGU. Tapos o-order tayo nang o-order ng maramihang bakuna, nasisira lang so dapat, tama lang yung inorder mo sa pangangailangan,” dagdag niya.
Nabatid na aabot sa 1.6 million doses ng COVID-19 vaccines ang mae-expire na sa July 31.
Dahil dito, hinimok ni Leachon ang mga pharmaceutical company na magsumite na ng CPR sa Food and Drug Administration (FDA) na malaking bagay rin upang mawala ang agam-agam ng mga tao na pinag-e-eksperimentuhan pa ang mga bakuna.
“Dapat nagpa-file na ngayon, para nae-evaluate na ng FDA. Kasi ang Pfizer at Moderna sa Amerika, last August pa, nilipat na from EUA to product registration para hindi na iisipin ng mga kababayan natin na experimental. Kasi isa yan sa nagbibigay ng agam-agam sa ating mga kababayan,” saad pa ng health advocate.