Sa plenary debates ng Senado sa proposed 2022 national budget ay kinuwestyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson kung bakit sobra-sobra ang bibilhing COVID-19 vaccine ng gobyerno.
Base sa kompyutasyon ni Lacson ay sosobra na ang bibilhing bakuna ng pamahalaan para sa 68.2 million adult Filipinos.
Pinagbasehan ni Lacson ang sinabi ng economic team ng Malakanyang na 195 milyon doses ng bakuna ang tiyak na darating sa bansa ngayong taon.
Tinukoy ni Lacson na sa ilalim naman ng 2022 budget ay 117 million doses ng bakuna ang planong bilhin na paglalaanan ng 61 billion pesos.
Diin ni Lacson, kung susumahin ay aabot na sa 300 million doses ang COVID-19 vaccine natin na sobra pa sa 111 million na kabuuang populasyon ng Pilipinas.
Paliwanag naman ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na siyang nagdedepensa ng budget, nasa 197 million doses na ang bakunang garantisadong darating sa bansa ngayon taon.
Binanggit ni Angara na 70 percent ng populasyon sa bansa ang target na ngayong taon.
Para kay Angara, wala ring masama kung sosobra ang COVID-19 vaccine natin basta walang masisira o masasayang lalo’t ang bakuna ang daan para makabangon ang ating ekonomiya tulad sa ibang bansa.