Mahigit 90 porsiyentong epektibo laban sa COVID-19 infection ang bakunang dine-develop ng Pfizer at German partner nito na BioNTech.
Ito ang inanunsyo ng dalawang kompanya matapos na walang makitang anumang seryosong problema sa isinasagawa nilang Phase 3 clinical trials.
Kaugnay nito, humingi na ang Pfizer ng emergency authority para maipakalat na ang bakuna.
Nabatid na mayroong 1.95 million dollars na kontrata ang Pfizer at BioNTech sa US government para sa pagbili ng 100 million doses ng bakuna habang 300 million doses sa European Union.
Samantala, ayon kay DOST-Philippine Council for Health Research and Development Executive Director Dr. Jaime Montoya, kailangan munang makita ang datos at resulta ng kanilang clinical trial para mapatunayang magaling talaga ang kanilang bakuna.
Paliwanag ni montoya, isa sa pinakamahalagang basehan ng pamahalaan sa pagpili ng bakuna ay ang resulta ng kanilang pag-aaral na dapat ay aprubado rin ng Food and Drug Administration (FDA).
“Magandang balita ‘yon pero siguro dapat tanggapin lang natin ‘yan as is. Syempre po sila-sila ay magsasabi na ganito ang kanilang efficacy, ganito po kagaling ang kanilang produkto but at the end of day po, kailangan makita natin ‘yong mga datos at ‘yung resulta ng kanilang mga clinical trials para talaga mapatunayan kung totoong magaling ang kanilang bakuna o hindi,” ani Montoya.
Samantala, posibleng sa second quarter pa ng 2021 magkaroon ng COVID-19 vaccine.
Muli namang tiniyak ng DOST na hindi mapapag-iwanan ang Pilipinas sa pagbili ng bakuna.
“Patuloy po ang negosasyon at tayo po naman ay tumitingin doon sa mga talagang maganda ang record at mukang magiging successful ang bakuna at makakapagbigay sa atin ng regulay na supply kung saka-sakali. At isa pong paraan ay sumama tayo sa COVAX faciility para po masiguradong ang mga bansa ay mabibigyan ng equal chances pportunities na maka-access ng bakuna,” saad pa ng opisyal.
“May garantiya po dyan na by the middle of next year, mabibigyan po tayo ng at least initially 3% of our demand o requirement. At yung remaining 17% po ay early the following year, 2022,” dagdag pa ni Montoya sa interview ng RMN Manila.