Posibleng maging available na ang COVID-19 vaccine sa Pilipinas sa huling bahagi ng unang quarter ng 2021.
Ito ay kung mabilis na maaaprubahan ng US Food and Drug Administration ang hinihinging Emergency Use Authorization (EUA) ng Moderna Inc. at Pfizer.
Kasunod ito ng nakitang higit 90% efficacy rate sa Phase 3 clinical trials ng mga bakuna ng dalawang kompanya.
Paliwanag ni DOST-Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) Executive Director Jaime Montoya, oras na mabigyan ng Amerika ng EUA ang mga nasabing bakuna ay mabilis na rin itong maaaprubahan ng FDA ng Pilipinas.
Pero sa ngayon aniya, nananatiling preliminary analysis lamang ang ulat ng Pfizer at Moderna at kailangang makita muna ang kumpletong datos ng kanilang pag-aaral bago masabing epektibo talaga ang kanilang bakuna.
“Kami po ay naniniwala na ang pinakamaagap po na magkakaroon tayo ng bakuna ay talagang mga second quarter. Pero kung makakuha ng emergency use authorization ang Moderna at Pfizer sa Amerika, maaaring katapusan ng first quarter o early second quarter baka maging available na ito sa atin,” paliwanag ni Montoya.
Samantala, bukod sa mga bakunang dine-develop ng Amerika, nakikipag-usap na rin ang bansa sa Russia para sa posibleng suplay ng Sputnik V.
Matatandaang nangako ang Russia na agad bibigyan ng paunang suplay ng bakuna ang Pilipinas oras na sila ang mapili ng bansa.
Pero giit ni Montoya, alinmang bakuna ang mauna ay mahalagang aprubado muna ito ng FDA.
“Kahit ano pa hong bakuna yan, kailangan munang maaprubahan ng ating FDA, yun ang pinakamahalaga. So, yang Russia, yan pong sa Amerika, basta maaprubahan ng ating FDA, yan ay ikokonsidera. Pero hangga’t hindi naaaprubahan, lahat po ng pag-uusap ay parang tinatawag natin na advance commitment. Hindi pa ho yan sarado na talagang sa kanila kukuha,”