Nababahala si Deputy Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Zarate na mamiligro ang COVID-19 vaccine rollout ng bansa.
Ito ay matapos tumanggi si Pangulong Rodrigo Duterte na magbayad ng indemnity o bayad danyos para sa mga makararanas ng adverse effect ng bakuna.
Giit ni Zarate, mistulang sinasabotahe ng Pangulo sa kanyang pahayag ang vaccination program ng pamahalaan.
Kung tutuusin din aniya, ang kawalan ng indemnification fund ang dahilan sa delay ng vaccine rollout sa bansa.
Sinabi pa ni Zarate na tanging sa Pilipinas lamang pumayag ang mga vaccine manufacturers na makipagkasundo agad sa Local Government Unit at pribadong kompanya sa ilalim ng tripartite agreement kahit pa walang central entity na magiging responsable sa indemnification.
Dagdag dito ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, malinaw sa pahayag ng Pangulo na wala talagang konkretong vaccination plan ang administrasyong Duterte.
Ipinaalala ni Castro na mismong ang Pangulo ang pumirma sa batas at inirekomenda ng sariling COVID-19 Inter-Agency Task Force nito ang pagkakaroon ng indemnification fund para sa mabilis na procurement ng COVID-19 vaccines.