Naghahanda na ang pamahalaan sa rollout o paglulunsad ng COVID-19 vaccination program.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sinimulan na nila ang pagbisita sa mga cold chain facilities bilang paghahanda sa pagdating mga inorder na bakuna.
Paniniguro rin ni Galvez na handa ang gobyerno para tumanggap ng mga bakuna, maging iyong mga mangangailangan ng sobrang babang temperatura.
Very professional aniya ang mga nagpapatakbo ng mga pasilidad tulad ng Zuellig at Unilab.
Wala rin aniya dapat ipag-alala ang mga Pilipino dahil ang mga vaccine brands na binili ng gobyerno ay ginagamit na ng milyu-milyong tao sa buong mundo.
Sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, mayroong apat na barko ang Philippine Navy na may freezers na nasa -15 hanggang -8 degrees Celsius ang tempatura, habang ang Philippine Coast Guard ay mayroon ding siyam na barko na kayang mag-imbak ng mga bakunang pasok sa -20 to -25 degrees Celsius na requirement.
Magagamit ang mga ito lalo na sa delivery ng mga bakuna sa ibang bahagi ng bansa.
Ang pamahalaan sa tulong ng pribadong sektor ay nag-umpisa nang magsagawa ng information campaign.