Nilinaw ng Department of Science and Technology (DOST) na wala pang eksaktong petsa para sa Solidarity Trial for Vaccines ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay Science Secretary Fortunato de la Peña, ang global trial ay inaasahang magsisimula sa America ngayong buwan habang ang ibang bansa tulad ng Pilipinas ay nakatakdang simulan sa Disyembre.
Dagdag pa ni De la Peña, wala pang inaanunsyo kung alin sa mga bakuna ang kasama at kung anong protocol na susundin.
Kasabay nito, inihayag din ni De la Peña ang kanyang suporta kay Secretary Carlito Galvez Jr. na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Vaccine Czar.
Ang DOST ay magiging bahagi ng Task Group na mangangasiwa sa technical evaluation at selection ng potential COVID-19 vaccines.
Sa Lunes, November 9 ay inaasahang ipiprisenta ni Galvez ang organizational structure ng vaccine implementation team.