COVID-19 vaccines, mahigpit na sinusuri ng mga eksperto – DOH

Muling tiniyak ng Department of Health (DOH) na binubusisi ng mga eksperto ang lahat ng bakunang posibleng ipamahagi sa publiko.

Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sinusuri ng Vaccine Expert Panel (VEP) ang datos ng clinical trial na ginawa sa ibang bansa.

Kung makalulusot sa VEP, uusad ito sa Food and Drug Administration (FDA), kung saan panibagong mga eksperto naman ang muling susuri sa bakuna.


Kapag pumasa sa FDA at mabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA), dadaan naman ito sa Health Technology Assessment Council.

Paliwanag pa ni Vergeire, waived na ang phase IV trials para sa bakuna kontra COVID-19.

“Ito pong phase 4 ng clinical trial ay winaive base po dito sa ginawang batas na mayroon tayo because we are trying to expedite. And across the globe, ito po ang ginawa nila lahat ‘no kaya po tayo may Emergency Use Authority and ibig sabihin hindi pa kumpleto ang development ng bakuna na ito ngunit tiningnan iyong mga benefits versus the risks and the benefits have outweigh the risks kaya po tayo nag-i-EUA.” ani Vergeire.

Sabi pa ni Vergeire, sa VEP pa lang ay marami na ang tinitingnan para malaman kung maayos ba talaga ang isang bakuna.

Kabilang dito ang track record ng kompanya, stability ng bakuna habang nasa imbakan, safety sa Phase 1 at 2 trials at ang may pinakamalaking puntos ay ang efficacy at safety nito.

Oras na mabakunahan ang publiko, tiniyak ng DOH na may nakaantabay na komite sakaling mayroon mang maitalang makararanas ng adverse effect.

Facebook Comments